Muling tiniyak ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office ang suporta nito sa pagtataguyod ng karapatan, kapakanan at pagkakapantay-pantay ng mga person with disabilities o PWD.
Ito ay sa pagdiriwang ng ika-48 na National Disability Rights Week na ginanap kahapon Oktubre 15 sa Provincial Capitol Gymnasium sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Nakiisa ang pulisya sa pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Datu Tucao O. Mastura, sa pamamagitan ng Provincial Disability Affairs Office, kasama ang mga kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan at sektor ng PWD, sa isang konsultasyon at dayalogo.
Layunin ng aktibidad na isulong ang isang lipunang walang hadlang at kumikilala sa mga karapatan ng mga PWD.
Ayon sa MDN PPO, nakatuon ang kanilang pangako sa pagbibigay ng serbisyong pulisya na madaling ma-access, inklusibo at tumutugon sa pangangailangan ng mga PWD upang mapangalagaan ang kanilang kaligtasan, dignidad at mga karapatan.

















