Isang menor de edad na pinaghihinalaang may kaugnayan sa isang online shooting threat ang isinailalim sa intervention.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa isang online shooting threat laban sa Kapingkong National High School sa PUROK PAG- ASA, BARANGAY KAPINGKONG, LAMBAYONG, SK.
Ayon sa ulat ng kapulisan, bandang alas-1:20 ng madaling araw nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang guro hinggil sa posibleng banta na ipinakalat sa pamamagitan ng Facebook post at screenshot.
Agad na pinuntahan ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng 13-anyos na menor de edad na itinuturong may kaugnayan sa nasabing online post. Kinonsulta rin ang kanyang mga magulang hinggil sa insidente at sa posibleng legal na epekto ng naturang ginawa.
Dinala ang menor de edad, kasama ang kanyang guardian, sa Matiompong Barangay Hall upang mabigyan ng nararapat na paliwanag at paggabay.
Samantala, isinailalim naman ng Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO ang menor de edad at ang kanyang guardian sa intervention, kabilang ang counseling, bilang bahagi ng pag-aalaga at pagsubaybay sa sitwasyon.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya muna ng kanyang guardian ang menor de edad habang patuloy ang pagsubaybay ng mga awtoridad upang maiwasan ang posibleng insidente at masiguro ang kanyang kapakanan.
















