Agad na rumesponde ang mga tauhan ng 21st Infantry Battalion, Philippine Army sa insidente ng pagkalunod na kinasangkutan ng isang menor de edad sa Bulangsih Beach, Brgy. Bulangsih, Panamao, Sulu noong Mayo 17, 2026.

Ayon sa ulat, mabilis na isinagawa ng mga sundalo ang rescue operation matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa insidente. Ang biktima ay kinilalang si alyas Nah residente ng Barangay Tubig Putih, Luuk, Sulu.

Sa pangunguna nina PFC Edmar I. Andao (MS) PA at Pvt. John Real O. Tusing (Inf) PA, agad na binigyan ng paunang lunas ang biktima at isinagawa ang Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) upang subukang patatagin ang kalagayan nito.

Matapos ang agarang aksyon, mabilis na isinugod ang biktima sa Luuk District Hospital para sa karagdagang gamutan at medikal na atensyon.

Nakipag-ugnayan din ang mga sundalo sa mga lokal na residente at awtoridad upang matiyak ang kaligtasan sa lugar at maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Patuloy namang pinapakita ng mga sundalo na bukod sa pagpapanatili ng seguridad, katuwang din sila sa pagtugon sa mga emergency at pagprotekta sa kapakanan ng mga sibilyan.