Tinalakay ng mga awtoridad ang mga hakbang sa seguridad para sa nalalapit na BARMM Parliamentary Elections sa isinagawang 1st Provincial Joint Security Control Center (PJSCC) Coordinating Conference sa Kalilintad Hall, Provincial Capitol ng Maguindanao del Sur.

Dumalo sa pulong ang mga kinatawan ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni Police Colonel Michael John C. Mangahis, Provincial Director ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, kasama ang kanyang command staff.

Nakibahagi rin sa pagpupulong ang Commission on Elections (COMELEC) sa pamumuno ni Provincial Election Supervisor Atty. Allan C. Cadon, mga kinatawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan, mga hepe ng pulisya mula sa iba’t ibang bayan, at iba pang law enforcement agencies at stakeholders.

Sa pulong, pinag-usapan ng mga kalahok ang pagpapatibay ng mga security protocol, pagpapalitan ng impormasyon kaugnay ng mga banta sa seguridad, at pagbuo ng deployment plan para sa mga pulis at sundalo sa iba’t ibang lugar sa lalawigan sa panahon ng halalan.

Ipinresenta rin ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang security framework nito na nakatuon sa pagbabantay sa mga polling precincts, mga election officials, at mga botante. Kabilang din sa mga napagkasunduan ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa halalan at pagpigil sa anumang uri ng karahasan at pananakot sa panahon ng eleksyon.

Ayon kay Police Colonel Mangahis, patuloy na makikipag-ugnayan ang PNP sa COMELEC, AFP, mga lokal na pamahalaan, at iba pang katuwang na ahensya upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa nalalapit na BARMM Parliamentary Elections na nakatakdang isagawa sa Setyembre 14, 2026.