Patuloy ang pagsuko ng mga loose firearms sa militar matapos maisuko ang siyam na armas sa bayan ng Pandag, Maguindanao del Sur.

Ayon kay Lt. Col. Felmax Lodriguito Jr. ng 2nd Mechanized Battalion, bunga ito ng pinaigting na kampanya kontra ilegal na armas. Isinagawa ang turnover ceremony noong Marso 26, 2025, kung saan personal na tinanggap ni Col. Ronel R. Manalo, Acting Commander ng 1st Mechanized Brigade, ang mga isinukong armas. Pinangunahan ang seremonya ni Mayor Mohajeran Balayman, kasama ang pitong punong barangay ng bayan.

Kabilang sa mga isinurender na armas ang isang M203 Tube, isang Cal .50 Barrett, isang M79 grenade launcher, apat na 12-gauge shotgun, isang Caliber .38, at isang Caliber .357. Kasama rin dito ang tatlong 40mm HE grenades, magazine, at iba’t ibang bala.

Ayon kay Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at JTFC, ang hakbang na ito ay mahalaga upang makamit ang mas ligtas at mapayapang komunidad.

“Pinaigting natin ang pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan at mamamayan upang tiyakin ang seguridad sa rehiyon. Malaki ang pasasalamat natin sa LGU ng Pandag sa kanilang suporta sa kampanyang ito,” ani Maj. Gen. Gumiran.

Patuloy na hinihikayat ng militar ang publiko na makiisa sa pagsuko ng mga ilegal na armas upang mapanatili ang kapayapaan sa buong rehiyon.