Nakahanda na ang mga election paraphernalia para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14, ayon sa Commission on Elections.
Ayon kay COMELEC spokesperson John Rex Laudiangco, nasa mga nakatalagang hubs na sa BARMM ang lahat ng kinakailangang election materials, kabilang ang mga nakapuwesto sa Cotabato City.
Sinabi ng COMELEC na maingat nang nasuri ang mga materyales sa tulong ng mga election stakeholders at watchers na kumakatawan sa mga kandidato.
Sa Setyembre 12 naman nakatakdang ihatid ang mga election paraphernalia mula sa mga hubs patungo sa bawat clustered precinct.
Samantala, sa Setyembre 13, isang araw bago ang halalan, ipapasakamay naman sa mga guro ang mga balota na gagamitin sa botohan.
May kabuuang 5,212 clustered precincts ang nakalaan para sa Bangsamoro Parliamentary Elections, at bawat isa ay may nakatalagang automated vote counting machine.
Nakahanda rin ang mga back-up machine sa bawat munisipalidad sakaling magkaroon ng aberya sa mga pangunahing makina.
May mga technician din na nakatalaga sa bawat paaralan upang agad na tugunan ang anumang problema sa mga vote counting machine.
Tiniyak ng COMELEC na handa ang kanilang mga kagamitan at tauhan upang matiyak na mabibilang ang lahat ng boto sa makasaysayang halalan sa BARMM.

















