Isinagawa ngayong Huwebes, Agosto 6, ang clearing operation laban sa mga ilegal na nagtitinda sa harap at gilid ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC).
Sa operasyon, tinanggal ng mga awtoridad ang mga paninda at kinumpiska ang ilang gamit ng mga vendor na nasa lugar.
Ayon sa mga awtoridad, ilang ulit na nilang binigyan ng babala at pinaalalahanan ang mga vendor na ipinagbabawal ang pagtitinda sa nasabing lugar, ngunit patuloy pa rin umano ang kanilang pananatili.
Katuwang sa isinagawang operasyon ang mga tauhan ng CTTMC, Militar, Philippine National Police (PNP), Office Staff Escort, at Auxiliary Police upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng clearing operation.
Habang isinasagawa ang pagtanggal sa mga paninda, nagkaroon ng tensyon sa lugar matapos umanong magpumilit ang ilang residente na ibalik ang kanilang mga paninda. May ilan ding nahimatay at nagalit sa gitna ng operasyon.
Sa kabila nito, sinabi ng mga awtoridad na bibigyan pa ng palugit ang mga vendor hanggang Lunes, Agosto 10, upang tuluyang lisanin ang lugar.
Nagbabala rin ang mga awtoridad na ang sinumang mahuhuling lalabag sa itinakdang kasunduan matapos ang palugit ay pagmumultahin alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

















