Nagpatuloy ang pagpapatupad ng OPLAN Open Pipe Operation ng mga awtoridad sa Cotabato City nitong Hulyo 29 bilang bahagi ng kampanya laban sa mga sasakyang gumagamit ng maingay na open pipe muffler at mga lumalabag sa batas-trapiko.

Sinuyod ng mga enforcer ang Demazenod Street, Ocampo Street, at TV Juliano Street kung saan maraming motorista ang nabigyan ng tiket dahil sa paggamit ng open pipe muffler, ilegal na pagparada, at iba pang uri ng obstruction sa kalsada.

Ayon sa mga awtoridad, layunin ng operasyon na mabawasan ang ingay na dulot ng mga sasakyang may open pipe at matiyak ang maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.

Nanawagan din ang mga enforcer sa mga motorista na itigil na ang paggamit ng open pipe muffler dahil nakaaabala ito sa mga residente at patuloy na nagiging sanhi ng mga reklamo mula sa publiko.

Iginiit ng mga awtoridad na mahalaga ang disiplina ng bawat motorista upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa mga lansangan ng Cotabato City.