Muling inayos ng Central Committee ng Moro Islamic Islamic Liberation Front (MILF) ang mga istrukturang responsable sa pagpapatupad ng peace agreement sa pagitan nito at ng pamahalaan, bilang hakbang para mas palakasin ang proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro.
Sa bisa ng Memorandum Order No. 013, Series of 2026 na nilagdaan ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim, inatasan ang mga restructured peace mechanisms na mas paigtingin ang koordinasyon, monitoring, at implementasyon ng mga kasunduan lalo na sa usapin ng normalization at camp transformation.
Kabilang sa muling inayos na mga peace bodies ang Joint Normalization Committee, Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities, Joint Peace and Security Committee, Joint Peace and Security Team, at Joint Task Force on Camps Transformation.
Ayon sa MILF, layunin ng reorganisasyon na mas maging epektibo ang pagpapatupad ng mga napagkasunduang hakbang sa peace process at mapanatili ang mga tagumpay na naabot na sa usapang pangkapayapaan.
Dagdag pa ng grupo, mahalaga ang mas pinatibay na koordinasyon ng mga mekanismo upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-usad ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon ng Bangsamoro.
Agad namang ipinatupad ang kautusan matapos itong ilabas noong Hunyo 10.

















