Nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga puwersa ng pamahalaan at hinihinalang miyembro ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group sa Sitio Bagurot, Barangay Tuayan Mother, Datu Hoffer Ampatuan umaga noong Enero 27. Ayon sa ulat, naganap ang sagupaan habang nagsasagawa ng security operations ang mga tauhan ng 90th Infantry Battalion sa nasabing lugar.
Matapos ang palitan ng putok, umatras at tumakas ang ilang hinihinalang armado, dahilan upang maglunsad ang militar ng pursuit at combat clearing operations sa mga karatig na bahagi ng barangay. Dahil sa insidente, inilikas ang ilang pamilya mula sa Barangay Tuayan Mother bilang pag-iingat sa kanilang kaligtasan.
Pansamantala silang inilipat sa municipal gymnasium ng bayan habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga sundalo sa mga apektadong lugar. Kinumpirma ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central na may naitatala pang mga putukan hanggang kagabi gabi, indikasyon na nagpapatuloy pa ang operasyon upang matukoy ang kinaroroonan ng mga tumakas na armado at matiyak ang seguridad ng mga komunidad sa paligid.
Samantala, patuloy na mino-monitor ng lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng seguridad ang sitwasyon at ang kalagayan ng mga lumikas, habang nakahanda ang mga kaukulang hakbang sakaling lumala pa ang sitwasyon sa mga karatig-barangay.

















