Patay ang isang senior commander ng Moro National Liberation Front (MNLF) matapos tambangan ng mga armadong suspek na lulan ng motorsiklo sa Barangay Cusipan, Sibuco, Zamboanga del Norte kahapon ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Asbirin Naing Kallahudi, 68 taong gulang.

Batay sa imbestigasyon, sakay umano ng kanyang sasakyan si Kallahudi nang sundan siya ng mga hindi pa nakikilalang suspek na nakamotorsiklo at agad siyang pinaulanan ng bala. Tinamaan siya sa ulo, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay sa pinangyarihan ng krimen.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sa hindi matukoy na direksyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang motibo sa krimen at kilalanin ang mga nasa likod ng pagpatay sa MNLF commander.