‎Nasa 500 na ang naitalang kaso ng Human Immunodeficiency Virus-Acquired Immunodeficiency Syndrome o HIV-AIDS sa Ministry of Health sa Bangsamoro region mula pa noong nakaraang taon.

‎Ito ang kinumpirma ni MOH Minister Kadil Sinolinding Jr. sa panayam kaugnay ng lumalawak na kaso ng naturang sakit sa rehiyon.

‎Ayon kay Sinolinding, pawang mga kalalakihan na may edad 18 hanggang 35 taong gulang ang karamihan sa mga naitalang carrier o tinamaan ng HIV-AIDS.

‎Dahil dito, hinikayat ng opisyal ang publiko na isabuhay ang tinatawag na ABCDS upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

‎Kabilang dito ang “A” o Abstinence, “B” o Be Faithful, “C” o paggamit ng condom tuwing nakikipagtalik, “D” o paggamit ng Anti-Retroviral Drugs, at “S” o Support of the Community upang maiwasan ang diskriminasyon laban sa mga may HIV-AIDS.

‎Binigyang-diin din ni Sinolinding ang kahalagahan ng due diligence at responsableng pag-uugali lalo na sa mga indibidwal na mayroon nang HIV-AIDS upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng sakit.

‎Hinimok din ng MOH-BARMM ang publiko na maging responsable sa kanilang kalusugan at sumailalim sa kaukulang konsultasyon at testing kung kinakailangan.