Hindi muna nagbigay ng buong pahayag si MOH Minister Kadil Sinolinding Jr. kaugnay ng kamakailang shakeup o pagbabago sa liderato ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Government.

Sa isinagawang pulong balitaan ng Ministry of Health, sinabi ni Sinolinding na mas makabubuting umiwas muna siyang magbigay ng detalyadong komento bilang paggalang sa mga sangkot sa usapin.

Gayunman, inamin ng opisyal na nalulungkot siya sa naging sitwasyon lalo na umano sa pagpasok ng ibang personalidad sa isyung aniya ay BARMM lamang ang dapat makapagbigay ng solusyon.

Binigyang-diin din nito na bilang mga lingkod-bayan, may pananagutan sila sa publiko na panatilihin ang katapatan sa kanilang serbisyo.

Ikinalungkot din ni Sinolinding ang naging rally nitong Lunes sa harap ng Bangsamoro Government Center ngunit sinabi niyang karapatan ng bawat mamamayan na ipahayag ang kanilang saloobin at boses sa pamahalaan.

Dahil dito, nanawagan din ang Health Minister sa BARMM Government na magbigay ng malinaw na paliwanag kaugnay ng mga nagaganap upang maiwasan umano ang pagkalat ng maling impormasyon sa loob at labas ng rehiyon.