Pormal nang binuksan ng Ministry of Labor and Employment o MOLE-Basilan ang bagong extension office nito sa Barangay Upper Port Holland, Maluso, Basilan noong Agosto 3, 2026.

Layunin ng tanggapan na mailapit sa mga residente ang mga serbisyo at programa ng pamahalaan, partikular ang mga serbisyong may kaugnayan sa paggawa at kabuhayan.

Ang gusali ay ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan ng Maluso upang magsilbing sentro ng mga serbisyo ng MOLE sa nasabing bayan.

Ayon kay MOLE-Basilan Field Office Head Amna Farrah Alihuddin, nagpapasalamat siya kay Maluso Mayor Kaiser Hataman sa suporta at pagkakaloob ng gusali para sa extension office.

Kasabay ng pagbubukas ng tanggapan, namahagi rin ang MOLE ng apat na set ng “Set-A-Karts” mobile vending carts sa mga rehistradong lokal na asosasyon sa ilalim ng Bangsamoro Integrated Livelihood Program o BILP.

Nagbigay naman si Member of Parliament Engr. Baiali Karon ng apat na set ng solar-powered fans at ilaw, gayundin ng mga kopya ng Qur’an para sa isang Madrasa sa Maluso.

Ayon sa MOLE-Basilan, bahagi ito ng pagsisikap ng Bangsamoro Government na mas mailapit ang mga serbisyo nito sa mga mamamayan at mas direktang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.