Pormal nang sinimulan ang pagtatayo ng Moro Global Metropolis matapos pangunahan ng mga opisyal ng Bangsamoro at pambansang pamahalaan ang ceremonial groundbreaking nito nitong Huwebes, Agosto 13, sa Barangay Landasan, Parang, Maguindanao.
Itatayo sa naturang lugar ang bagong Bangsamoro Government Center na magsisilbing bagong de jure capital ng rehiyon, kapalit ng Cotabato City, at nakibahagi sa paglulunsad ang mga opisyal ng lokal at rehiyonal na pamahalaan at mga international development partners.
Ayon kay Parang Mayor Cahar Ibay, layunin ng bagong government center na gawing mas accessible ang mga serbisyo ng pamahalaan sa mga residente mula sa mainland at mga island provinces ng Bangsamoro.
Samantala, sinabi ni AFK Group Chairman Tan Sri Azmil Khalid na inaasahang magbibigay ang bagong imprastraktura ng mga oportunidad para sa ekonomiya at magiging bahagi ng pangmatagalang pag-unlad ng rehiyon.
Binigyang-diin naman ni Malaysian Ambassador to the Philippines Dato’ Abdul Malik Melvin Castelino Anthony ang patuloy na suporta ng Malaysia sa Bangsamoro government at sa mga mamamayan nito.
Ayon kay BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua, inaasahang magiging catalyst ang Bangsamoro Government Center para sa investment, infrastructure at development sa Parang, Maguindanao del Norte at iba pang bahagi ng rehiyon.
Samantala, sinabi ni Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento na ang groundbreaking ay nagmamarka ng panibagong yugto para sa Bangsamoro at sumasalamin sa layunin ng regional government na patuloy na mapahusay ang paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan.
Sa isinagawang groundbreaking, binigyang-diin ng mga opisyal na ang Moro Global Metropolis ay hindi lamang nakatuon sa pagtatayo ng mga gusali kundi sa pagtatatag ng sentro ng pamamahala, oportunidad at development para sa Bangsamoro.

















