Ginunita ni Moro Islamic Liberation Front Chairman Al Haj Murad Ebrahim ang ika-14 na anibersaryo ng paglagda sa Framework Agreement on the Bangsamoro o FAB, na nagsilbing mahalagang hakbang sa pagsusulong ng kapayapaan at sariling pagpapasya ng mga Bangsamoro.

Sa inilabas na mensahe ngayong araw Oktubre 15, inihayag ni Chairman Al Haj Murad Ebrahim na nilagdaan ang FAB noong Oktubre 15, 2012, na nagbukas ng bagong yugto sa kasaysayan ng Bangsamoro sa pamamagitan ng diyalogo, tiwala sa isa’t isa, at sama-samang pagsisikap na maresolba ang usapin sa Bangsamoro.

Ayon kay MILF Chair Ebrahim, naging pundasyon ang kasunduan sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, pagpapatibay ng Bangsamoro Organic Law, at pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Binigyang-pugay rin niya ang sakripisyo ng mga Mujahideen at Mujahidaat, gayundin ang mga mamamayan at lider na nag-alay ng kanilang buhay at lakas para sa adhikain ng Bangsamoro.

Gayunman, iginiit pa nya na marami pang kailangang gawin, kabilang ang pagpapalakas ng mga institusyon, pagpapanatili ng kapayapaan, at pagtataguyod ng mabuting pamamahala na nakabatay sa integridad, pananagutan, katarungan, at malasakit sa mamamayan.

Binigyang-diin din niya na ang pamahalaang Bangsamoro ay para sa lahat, anuman ang tribo, pananampalataya, o komunidad.

Sa huli, nangako ang MILF Chair na ipagpapatuloy ang pagsusulong ng kapayapaan, pagkakaisa, katarungan, at kaunlaran sa pamamagitan ng demokratikong pakikilahok at mapayapang pakikipag-ugnayan.