‎Kinilala ni Member of Parliament Atty. Naguib Sinarimbo ang naging ambag ng mga unang organisador at volunteers sa pagsusulong ng pagsama ng Cotabato City sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

‎Sa naging assembly ng Bangsamoro Federalist Party sa Poblacion 3, ibinahagi ni Sinarimbo na ang pitong organs at 13 sectors na unang inorganisa ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang naging pundasyon ng political organizing sa lungsod.

‎Ayon sa mambabatas, si Commander Gordon umano ang unang naatasang manguna sa pag-organisa ng partido sa Cotabato City bago pa ang plebisito kaugnay ng Bangsamoro Organic Law.

‎Dagdag pa nito, noong papalapit na ang plebisito noong 2019, sila umano ni BARMM Chief Minister Abduraof Macacua ay inatasan ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim upang tumulong sa pagpapalakas ng organisasyon sa lungsod at sa mga barangay na kasama sa preparasyon para sa pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law.

‎Nagpasalamat din si Sinarimbo sa mga supporters at organisador dahil sa kanilang sakripisyo at pagtutulungan upang maisama ang Cotabato City sa Bangsamoro region.