Nagbigay ng paglilinaw si dating Minister ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) at Member of Parliament Mohagher Iqbal kaugnay ng mga lumabas na pahayag matapos ang pagdinig ng Bangsamoro Parliament hinggil sa kalagayan ng mga teaching at non-teaching personnel sa rehiyon.
Ayon kay Iqbal, hindi umano dapat ipakahulugan na walang appointment ang libu-libong guro sa Bangsamoro dahil marami sa kanila ay may umiiral nang mga appointment na naipagkaloob pa noong panahon ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
Ipinaliwanag niya na ang isyung tinatalakay ay may kinalaman sa patuloy na proseso ng paglipat at pag-aayos ng mga posisyon mula sa dating istruktura ng ARMM patungo sa kasalukuyang sistema ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Aniya, ang mga guro na matagal nang naglilingkod sa ilalim ng dating rehiyon ay may mga legal na appointment na nananatiling kinikilala habang isinasagawa ang migration at conversion ng kanilang mga dokumento at posisyon.
Lumabas ang paglilinaw matapos ang pagdinig ng Bangsamoro Parliament kung saan tinalakay ang estado ng mga kawani ng edukasyon sa ilalim ng MBHTE. Kasunod nito, kumalat sa social media ang iba’t ibang interpretasyon ng naging talakayan, kabilang ang alegasyong may malaking bilang ng mga guro na umano’y walang appointment.
Dahil dito, binigyang-diin ni Iqbal ang kahalagahan ng wastong pag-unawa sa usapin. Aniya, magkaiba ang kawalan ng appointment at ang proseso ng paglipat ng mga posisyon at rekord mula sa dating ARMM patungo sa BARMM.
Iginiit pa niya na ang patuloy na transition process sa loob ng burukrasya ay hindi nangangahulugang nawawalan ng bisa ang mga appointment na dati nang naipagkaloob sa mga empleyado ng sektor ng edukasyon.

















