Naglabas ng paglilinaw si MP Atty. Naguib G. Sinarimbo kaugnay ng pagkakasama ng kanyang pangalan bilang co-author sa BTA Bill Nos. 468 at 469 na naglalayong amyendahan ang mga probisyon sa Bangsamoro Electoral Code at Local Governance Code hinggil sa political dynasty restrictions.

Ayon kay MP Atty. Sinarimbo, hindi niya nilagdaan ang mga panukalang batas na naglalayong alisin ang political dynasty restrictions sa ilalim ng Bangsamoro Autonomy Act Nos. 35 at 49, o ang Bangsamoro Electoral at Local Governance Codes.

Aniya, inimbitahan lamang siyang maging co-author ng mga panukala ngunit hindi siya lumagda sa mga nasabing dokumento.

Ipinaliwanag din ni MP Atty. Sinarimbo na alinsunod sa administrative rules ng Bangsamoro Transition Authority, maaaring maisama sa unang pagbasa at press release ang pangalan ng mga inimbitahang co-authors kahit wala pang pinal na kumpirmasyon at lagda.

Binigyang-diin niya na nananatili ang kanyang paninindigan para sa Konstitusyon, rule of law, at pagpapatibay ng reporma sa pamamahala sa rehiyon.

Sinabi rin ni MP Atty. Sinarimbo na makikilahok siya sa mga konsultasyon, committee deliberations, at parliamentary debates kaugnay ng panukalang amyenda sa naturang mga batas.