Pinalalakas ng Ministry of Public Order and Safety o MPOS-BARMM at Mediators Network for Sustainable Peace Incorporated ang kanilang pagtutulungan upang maisulong ang mapayapang paglutas ng mga alitan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Ito ay kasunod ng paglagda ng dalawang organisasyon sa isang Memorandum of Understanding o MOU ngayong araw, Oktubre 13, 2026, sa tanggapan ng MedNet sa Quezon City.
Layunin ng kasunduan na palakasin ang community-based mediation at mabigyan ng pagkakataon ang mga lokal na tagapamagitan na mapahusay ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pagresolba ng mga sigalot.
Kabilang sa mga tinalakay na posibleng programa ang pagsasanay para sa mga lokal na mediator at ang pagsasagawa ng Alternative Dispute Resolution Stakeholders’ Conference sa huling bahagi ng taon.
Plano rin ng dalawang panig na pag-aralan ang mga susunod na hakbang kaugnay ng Enhanced Dispute Resolution Management Processes o EDRMP.
Inaasahang makatutulong ang naturang pagtutulungan sa pagsusulong ng diyalogo at mapayapang pag-aayos ng mga alitan, kabilang ang rido o alitang pampamilya at angkan, sa mga komunidad sa BARMM.

















