Nanawagan ang Ministry of Public Order and Safety o MPOS sa mga botante na panatilihing maayos at mapayapa ang paligid ng mga polling place sa unang Bangsamoro Parliamentary Election 2026.

Batay sa inilabas na paalala ng MPOS, hinihikayat ang mga botante na iwasang magtipon-tipon sa paligid ng lugar ng botohan matapos makaboto.

Pinapayuhan din ang mga botante na iwasang makipagtalo o makipagdiskusyon tungkol sa pulitika sa ibang botante at agad na umalis upang mabigyan ng pagkakataon ang iba na makumpleto ang proseso ng pagboto.

Nakasaad din sa Bangsamoro Autonomy Act No. 35 o Bangsamoro Electoral Code of 2023, Article VII, Chapter 2, Section 28, ang mga patakarang dapat sundin habang isinasagawa ang pagboto.

Kabilang dito ang pagbabawal sa pagsisiksikan at magulong pagkilos sa loob ng mga polling place upang mapanatili ang maayos at tuloy-tuloy na proseso ng halalan.

Hinihikayat naman ang publiko na bumoto nang mapayapa, iwasan ang pagsisiksikan, at panatilihin ang kaayusan sa mga polling place.