Nagpaalala ang Ministry of Public Order and Safety (MPOS) sa publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita at natatanggap online, lalo na sa panahon ng mabilis na paglaganap ng content na maaaring likha ng artificial intelligence (AI).
Sa ilalim ng public safety awareness campaign na “Fact Check Muna Bago Maniwala,” binigyang-diin ng MPOS ang kahalagahan ng pagsuri sa katotohanan ng mga larawan, video at audio bago ito paniwalaan o ipasa sa iba.
Ayon sa kampanya, may kakayahan ang artificial intelligence na lumikha ng mga mukhang makatotohanang larawan, video at audio na hindi naman tunay na nangyari. Dahil dito, hinikayat ang publiko na huwag agad maniwala sa isang content dahil lamang sa mukhang authentic ito.
Pinayuhan din ang mga mamamayan na hanapin ang orihinal na source, suriin ang iba pang ebidensya at tiyaking mapagkakatiwalaan ang impormasyon bago ito ibahagi sa iba.
Bahagi ito ng panawagan ng MPOS para sa tamang impormasyon at ligtas na pamayanan, kasabay ng pagsusulong ng kamalayan laban sa misinformation, disinformation at malinformation.

















