Nagpaalala ang Ministry of Public Order and Safety o MPOS sa mga botante na maging handa at sumunod sa mga alituntunin bago magtungo sa kanilang polling place para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Election sa 2026.
Batay sa paalala ng ahensya, kailangang ihanda ng mga botante ang kanilang kinakailangang identification at personal na gamit bago pumunta sa lugar ng botohan.
Pinayuhan din ang publiko na iwasang magdala ng mga hindi kinakailangang gamit o materyales na maaaring magdulot ng abala at pagkaantala sa maayos na proseso ng pagboto.
Hinikayat naman ang mga botante na sundin ang mga tagubilin ng mga election officials, partikular sa mga bagay na pinapayagang dalhin at mga pamamaraang ipatutupad sa loob ng polling place.
Layunin ng mga paalalang ito na mapanatili ang kaayusan, seguridad at maayos na daloy ng pagboto.
Kaugnay nito, muling binigyang-diin ng MPOS ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga botante at mga awtoridad para sa ligtas at mapayapang halalan sa Bangsamoro.

















