Mula sa pagtitinda ng pandesal sa edad na anim na taon hanggang sa pamumuno sa 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, naging bahagi ng buhay ni Brigadier General Edgar L. Catu ang pagsisikap at disiplina.

Lumaki si Catu sa Mexico, Pampanga. Nagtapos siyang salutatorian sa elementarya at valedictorian sa high school bago pumasok sa Philippine Military Academy, kung saan nagtapos siyang magna cum laude at panglima sa Marilag Class of 1995.

Matapos ang change of command ceremony kahapon, Huwebes, Oktubre 22, sa 6ID Gymnasium, Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, iginiit ni Catu na seguridad, kapayapaan at kaayusan ang pangunahing prayoridad niya bilang bagong commander ng 6ID.

Ayon kay Catu, magkakaugnay ang tatlong ito at hindi makakamit ang kapayapaan kung walang seguridad. Binigyang-diin din niya ang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor at ang pananagutang magsimula sa bawat isa ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.