Nagplead ng not guilty si Police Staff Sgt. Bonifacio Saycon sa kasong multiple murder sa isinagawang arraignment sa Regional Trial Court Branch 33 sa Dumaguete City, Negros Oriental.

Isinagawa ang arraignment sa closed-door session, kaya hindi isinapubliko ang mga detalye kung bakit nagpasya ang akusado na magplead ng not guilty.

Matapos ang arraignment, agad na ibinalik si Saycon sa Sibulan Municipal Police Station. Inaasahan na susundan ito ng pre-trial at paglilitis, kung saan ihaharap ng prosekusyon ang mga ebidensya at mga saksi, bago magtakda ang korte ng mga susunod na petsa ng pagdinig. Inaasahang tatagal ang proseso bago ilabas ang pinal na desisyon ng hukuman.

Matatandaang unang napatay ni Saycon ang Guest Relations Officer na si Chiela Mae Dinawanao noong Enero 9, bago nito barilin ang hepe ng Sibulan Municipal Police Station na si Police Captain Jose Edrohil Cimafranca, pati ang mga kasamahan nitong sina Police Senior Master Sgt. Tristan Chua at Patrolman Rey Albert Temblor.