Nagbabala ang Muslim Council of Elders sa South Cotabato laban sa kontrobersyal na social media post ng vlogger na si Crist Briand, kilala rin bilang Brader, matapos itong mag-viral sa Facebook sa paghahanap umano ng “baboy na halal.”
Ayon sa MCE-SC, malinaw na paglapastangan at pambabastos ang nasabing post, na nakakasagasa sa kultura at paniniwala ng mga Muslim. Anila, kung makakalap pa sila ng sapat na ebidensya, maaari silang magsampa ng kaso laban kay Briand at i-report ang kanyang FB page sa Meta Philippines, bukod pa sa posibleng legal na aksyon.
Sa kabila ng babala, nanawagan ang konseho sa publiko na huwag nang patulan si Briand upang hindi kumita ang content creator mula sa kanyang pambabalahura at pambabastos sa kapwa.
Magugunita na naging kontrobersyal si Briand sa mga nakaraang insidente, kabilang ang pag-ihi sa bakod ng compound ng Kingdom of Jesus Christ na pagmamay-ari ni Pastor Apollo Quiboloy, na agad namang pinalagan ng religious group, at ang kamakailang pag-akyat niya sa rotonda ng Koronadal City o “roundball.”