Mariing kinondena ng Notre Dame University (NDU) ang brutal na pagpaslang sa kanilang part-time faculty member na si Evangeline Pantorilla Abdullah, na naganap noong gabi ng Hulyo 2 sa Cotabato City.

Sa inilabas na pahayag ng unibersidad, inilarawan nila ang insidente bilang isang walang saysay, karumal-dumal, at malagim na krimen. Ayon sa NDU, si Abdullah ay nagtuturo bilang part-time faculty sa College of Arts and Sciences at Graduate School, at ang kanyang pagpanaw ay nagdulot ng matinding lungkot sa buong komunidad ng paaralan, kabilang ang kanyang mga kasamahan at estudyante.

Binigyang-diin ng unibersidad na walang puwang ang karahasan sa lipunan, lalo na sa mga institusyong pang-edukasyon. Ayon pa sa NDU, magiging mahirap makamit ang de-kalidad na edukasyon sa Bangsamoro kung hindi matitiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga guro at mag-aaral.

Nanawagan din ang pamunuan ng unibersidad sa mga awtoridad na magsagawa ng mabilis, masusi, at malinaw na imbestigasyon upang agad na mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.

Hinimok din ng NDU ang pambansa at lokal na pamahalaan na tugunan ang umano’y lumalalang insidente ng karahasang may kaugnayan sa mga paaralan sa bansa. Anila, kinakailangan na ang mas matitibay na hakbang sa seguridad upang maprotektahan ang mga guro, estudyante, at mga institusyong pang-edukasyon laban sa mga katulad na insidente.

Nagpahayag din ng pakikiisa ang unibersidad sa pamilya ni Abdullah at sa lahat ng nagdadalamhati sa kanyang pagpanaw. Kasabay nito, muling iginiit ng NDU ang kanilang panawagan para sa hustisya at hiniling na huwag madagdag ang pangalan ng guro sa listahan ng mga kasong nananatiling hindi nareresolba.