Inilibing na sa Nepal ang daan-daang biktima ng malawakang pagbaha sa Himalayan region na hindi pa nakikilala.

Isinagawa ang mass burial sa Devghat Forest sa Chitwan District, halos 200 kilometro mula sa Rasuwa, kung saan naganap ang mapaminsalang pagbaha noong nakaraang linggo.

Ayon kay Ganesh Aryal, Chief District Officer ng Bharatpur, Chitwan, kinailangan nilang ilibing ang mga labi dahil sa panganib sa kalusugan ng publiko dulot ng mabilis na pagkabulok ng mga bangkay.

Bago isinagawa ang paglilibing, kinuhanan ng DNA sample, litrato at iba pang impormasyon ang mga biktima upang maaari pa ring matukoy ang kanilang pagkakakilanlan sa hinaharap.

Samantala, patuloy ang paghahanap sa mga nawawala matapos ang malawakang pagbaha sa Nepal at Tibet.

Ayon sa mga ulat, daan-daan na ang nasawi habang libo-libo naman ang patuloy na nawawala, kabilang ang isang Filipino doctor na hanggang ngayon ay hindi pa nakokontak ng kanyang pamilya.

Patuloy naman ang search and rescue operations ng mga awtoridad habang hinahanap ang mga nawawala at kinikilala ang mga nasawi.