Patay ang isang tricycle driver at ang kanyang pasahero na isang nurse matapos silang pagbabarilin kaninang umaga sa Apparente Street, Barangay City Heights, General Santos City, ayon sa kumpirmasyon ng pulisya.
Inihayag ni Police Maj. Ivan Charles Abastillas, hepe ng San Isidro Police Station, na parehong nasawi ang dalawang biktima sa insidenteng naganap ngayong araw. Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang krimen upang matukoy ang posibleng motibo at habulin ang mga suspek.
Kinilala ang mga nasawi na sina Iven Conde, isang tricycle driver na nakatira sa Nopol Klinan 5, Barangay Mabuhay, at ang kanyang pasaherong si Nhiezer Rolliene Jane Aguacito, isang nurse na residente ng Oringo Subdivision, Barangay City Heights.
Ayon sa mga paunang impormasyon, galing sa downtown area si Aguacito at sumakay sa tricycle na minamaneho ni Conde. Pagdating nila sa nasabing lugar, bigla silang pinagbabaril ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo, ayon sa pahayag ng pulisya.

















