Tumugon ang Office of the Chief Minister (OCM) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa naunang liham ni Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) Minister Mohagher Iqbal na may petsang Mayo 16, 2026, kaugnay ng naging direktiba noong Mayo 11, 2026.
Sa pahayag, binigyang-diin ng Chief Minister ang legal na basehan ng posisyon ng isang minister sa ilalim ng BARMM governance, na aniya ay co-terminous at nakasalalay sa tiwala ng appointing authority, na tumutukoy sa Chief Minister.
Ayon sa OCM, hindi ito itinuturing na administrative dismissal kundi isang pagwawakas ng termino batay sa pagkawala ng tiwala, alinsunod sa umiiral na prinsipyo ng batas at sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Ong vs. Office of the President.
Giit pa ng opisina, ang naging hakbang ay hindi dapat ituring na ilegal na pagpapatalsik kundi pagpapatupad ng prinsipyong “loss of confidence” bilang batayan ng pagwawakas ng serbisyo.
Binigyang-diin din ng OCM na seryoso ang mga paunang findings ng Commission on Audit (COA) laban sa nasabing ministry, na umano’y nakaapekto sa kredibilidad ng opisina at maging sa reputasyon ng BARMM bilang institusyon.
Ayon pa sa pahayag, mahalaga ang moral governance sa pamahalaan kaya kinakailangang umaksyon kapag ang tiwala ng publiko ay naaapektuhan.
Nilinaw din ng OCM na ang usapin ay hindi isang administrative case para sa disciplinary action, kundi isang hiwalay na proseso na may kaukulang due process, na anila ay patuloy na iginagalang sa pamamagitan ng umiiral na COA special audit.
Dagdag pa rito, sinabi ng OCM na ipapasa nito sa Office of the Ombudsman ang final COA findings para sa karagdagang imbestigasyon at pagpapatibay ng transparency at accountability sa pamahalaan.

















