Hinikayat ng pamahalaang lungsod ng Cotabato ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan na magpatupad ng online classes sa hapon ng Hunyo 19 bilang bahagi ng paghahanda sa pagdiriwang ng ika-67 Araw ng Cotabato.

Ayon sa city government, layunin ng hakbang na makatulong sa pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko, kaligtasan ng publiko, at maayos na pagsasagawa ng mga nakatakdang aktibidad kaugnay ng selebrasyon.
Nilinaw ng lokal na pamahalaan na hindi suspendido ang mga klase sa naturang araw kundi ililipat lamang sa online learning modality upang hindi maantala ang pag-aaral ng mga estudyante.

Kasabay nito, inaasahan ang pagdagsa ng mga residente at bisita sa iba’t ibang aktibidad na inihanda para sa paggunita ng ika-67 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod.
Panawagan naman ng mga opisyal sa mga paaralan, magulang, at mag-aaral ang pakikiisa upang matiyak ang maayos at ligtas na pagdaraos ng pagdiriwang ng 67th Araw ng Cotabato.