Pinuri ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang militar, pulisya at mga mekanismo ng kapayapaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa mabilis na pagresolba sa armadong sagupaan sa Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento, naging mahalaga ang agarang pagkilos at koordinasyon ng mga awtoridad upang mapatigil ang bakbakan sa mga barangay ng Kulambog at Papakan.
Nagsimula ang sagupaan noong umaga ng Oktubre 8 sa Sitio Libal at mga barangay ng Kulambog at Papakan, na kinasangkutan ng mga lokal na kumander ng MILF, mga pribadong armadong grupo at iba pang armadong elemento.
Sa pamamagitan ng agarang ceasefire dialogue sa headquarters ng 34th Infantry Battalion, natigil ang aktibong bakbakan, habang napagkasunduan naman ng mga peace mechanism ang paglalagay ng Joint Peace and Security Teams sa Barangay Darampua bilang neutral na puwersang mamamagitan sa mga naglalabang grupo.
Nakatakda namang magsagawa ng follow-up dialogue sa Oktubre 19 upang talakayin ang mga pangmatagalang hakbang sa pagpapanumbalik ng kapayapaan at ligtas na pagbabalik ng mga residenteng lumikas.
Hinimok din ng mga lokal na opisyal at peace partners ang mga armadong elementong sangkot na lisanin ang Sultan sa Barongis upang maisagawa ng militar at pulisya ang mga kinakailangang operasyon at maibalik ang normal na kalagayan sa mga apektadong komunidad.

















