Naaresto ang isang 34-anyos na lalaki sa ikinasang drug buy-bust operation ng Municipal Drug Enforcement Unit (MDEU) ng Sultan Mastura Municipal Police Station (MPS) bandang alas-9:30 ng gabi noong Setyembre 3, 2025.

Pinangunahan ang operasyon ni PCMS Al-Muadz Panda sa ilalim ng superbisyon ni PMAJ Fhaeyd C. Cana, hepe ng pulisya ng Sultan Mastura. Ang suspek, na residente ng Sitio Payong, Barangay Macabiso, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte, ay nahuli matapos makabili ang isang pulis na nagpanggap bilang poseur buyer ng isang medium-size na sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Ang nasabat na droga ay tinatayang may bigat na isang gramo at may halagang aabot sa anim na libo at walong daang piso (₱6,800) batay sa Dangerous Drugs Board.

Matapos ang pagkakaaresto, nasamsam mula sa suspek ang buy-bust money na nagkakahalaga ng ₱500, isang Samsung keypad cellphone na kulay itim, isang tooter na may residue ng hinihinalang droga, isang coin purse at isang lighter na kulay asul.

Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa booking at dokumentasyon, habang ang nakumpiskang ebidensya ay isusumite sa RFU-BAR para sa kaukulang pagsusuri. Inihahanda na rin ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanya.