Nagpaalala ang Pamahalaang Lungsod ng Cotabato na ang lahat ng organisadong pampublikong pagtitipon tulad ng rallies, demonstrasyon, protesta, at iba pang kahalintulad na aktibidad ay dapat isagawa lamang sa itinalagang lugar sa City Plaza, hindi kabilang ang Rizal Park.

Ayon sa City Government, ang patakarang ito ay alinsunod sa umiiral na mga batas at city ordinances na naglalayong mapanatili ang kaayusan, kaligtasan, at kaginhawaan ng publiko.

Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan na patuloy nitong kinikilala at iginagalang ang karapatan ng bawat mamamayan sa mapayapang pagpapahayag ng kanilang saloobin. Gayunpaman, mahalagang maisagawa ang mga naturang aktibidad sa tamang lugar upang matiyak ang kaayusan at maiwasan ang abala sa publiko.

Hinihikayat ng Pamahalaang Lungsod ng Cotabato ang kooperasyon ng lahat ng sektor upang mapanatili ang isang ligtas, maayos, at mapayapang komunidad.