Nananawagan ang mga organisasyon ng mga propesyonal na katutubo sa mga pinunong Teduray, tradisyonal na lider at iba pang kinauukulan na magkaisa at igalang ang batas kasunod ng halalan at Tribal and Inter-Tribal Congress.

Sa kanilang pahayag, hinimok ng mga organisasyon ang mga papalabas at papasok na kinatawan ng mga Non-Moro Indigenous Peoples o NMIPs sa Bangsamoro Parliament na isantabi ang personal at pampolitikang hidwaan at unahin ang karapatan at kapakanan ng mga katutubo.

Binigyang-diin din nila na dapat lutasin ang mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng mapayapang diyalogo, kinikilalang kaugalian at umiiral na batas, sa halip na pananakot o panghihimasok sa mga institusyon ng katutubo.

Iminungkahi rin ng mga organisasyon na magsagawa ng inklusibong diyalogo sa loob ng tatlumpung araw mula sa paglalabas ng panawagan upang maibalik ang tiwala at mapagkasunduan ang mga hakbang tungo sa pagkakaisa.

Kabilang din sa kanilang panawagan ang pagbuo ng iisang adyenda para sa karapatan sa mga lupaing ninuno, edukasyon, kabuhayan, seguridad at patas na representasyon ng mga katutubo sa Bangsamoro.