Pinaiigting ng Office of the Special Assistant to the President o OSAP ang koordinasyon ng pamahalaan upang matugunan ang kakulangan sa suplay at problema sa distribusyon ng kuryente sa ilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Tinalakay ang mga usaping pang-enerhiya sa isang pagpupulong sa Malacañang noong Agosto 12, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang mga problema sa suplay ng kuryente sa rehiyon.
Pinangunahan ni OSAP Secretary Anton Lagdameo Jr. ang naturang pagpupulong kung saan kabilang sa pangunahing tinalakay ang 8-megawatt power supply shortfall na nararanasan ng Lanao del Sur Electric Cooperative o LASURECO.
Tinalakay rin ang mga problema sa distribusyon ng kuryente sa Basilan at kakulangan ng sapat na distribution infrastructure sa Maguindanao del Norte.
Kabilang sa mga pinag-aralang hakbang ang posibleng pagdagdag ng suplay ng kuryente at pagpapalakas ng mga pasilidad at sistema ng distribusyon.
Layunin ng koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan na mapabuti ang reliability at accessibility ng serbisyo ng kuryente sa mga komunidad na nakararanas ng supply at distribution constraints.
Binigyang-diin sa pagpupulong ang pangangailangan ng magkakaugnay na hakbang ng pamahalaan upang matugunan hindi lamang ang kakulangan sa suplay kundi pati ang mga problema sa paghahatid ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng BARMM

















