Pinuri ni Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ang patuloy na pagsasagawa ng oversight hearings ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament, na aniya ay patunay na aktibo at gumagana ang lehislatibong sangay ng pamahalaan sa rehiyon.
Ayon kay Macacua, ang mga pagdinig na isinasagawa ng iba’t ibang komite ng Parlamento ay mahalagang hakbang upang masuri ang kakayahan, performance, at implementasyon ng mga programa ng bawat ministeryo sa Bangsamoro.
Binigyang-diin ng punong ministro na hindi lamang isang ahensya ang sinusuri ng Parlamento, kundi maging ang iba pang pangunahing ministeryo kabilang ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE), Ministry of Social Services and Development (MSSD), at Ministry of Public Works (MPW).
Aniya, ang masusing pagsusuri sa mga ahensya ng pamahalaan ay bahagi ng pagsisikap na matiyak na nagagamit nang tama ang pondo ng bayan at naipatutupad nang maayos ang mga programa at proyektong nakalaan para sa mamamayan.
Umaasa rin si Macacua na ang mga natutuklasang kakulangan o isyu sa mga pagdinig ay agad na matutugunan upang higit pang mapabuti ang serbisyo publiko at mapalakas ang pananagutan sa loob ng pamahalaang Bangsamoro.
Ayon pa sa kanya, ang ganitong uri ng pagsusuri ay nagpapakita na ginagampanan ng BTA Parliament ang tungkulin nito bilang isang tunay na “working parliament” na nagsusulong ng transparency, accountability, at mahusay na pamamahala sa rehiyon.

















