Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang 59-anyos na Australian national matapos umanong makuhanan ng 497 imported automotive batteries na nagkakahalaga ng tinatayang P1.582 milyon sa Cagayan de Oro City.
Isinagawa ang operasyon kamakailan sa Barangay Iponan, kung saan nasamsam ang mga bateryang ayon sa CIDG ay hindi umano nakasunod sa itinakdang product quality at safety standards.
Ayon sa ulat, importer ang naarestong Australian National at umano’y aktwal na nagbebenta at may kontrol sa mga nakumpiskang automotive batteries.
Pinangunahan ng CIDG Cagayan de Oro City Field Unit at Regional Special Operations Team ng CIDG RFU 10 ang operasyon, katuwang ang Department of Trade and Industry-Region 10 at iba pang police units.
Kaugnay ito ng pagpapatupad ng Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines at Republic Act No. 4109, na may mga probisyong may kinalaman sa standardization at inspection ng mga produkto.
Patuloy namang isinasagawa ang kaukulang proseso sa kaso ng naarestong indibidwal, habang pinaaalalahanan ang publiko na maging maingat sa pagbili ng automotive products at tiyaking sumusunod ang mga ito sa itinakdang safety at quality standards.

















