Aabot sa 17.62 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P119,816, isang MK2 hand fragmentation grenade, at iba’t ibang drug paraphernalia ang nasamsam ng mga awtoridad sa ikinasang operasyon sa Barangay Tambler, General Santos City noong Hulyo 11, 2026.

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga search warrant kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 9516, na may kaugnayan sa ilegal na pagmamay-ari ng mga pampasabog.

Pinangunahan ang operasyon ng mga tauhan ng Police Station 5 ng General Santos City Police Office, katuwang ang SWAT CMFC, CIT Gensan-RIU 12, PDEA Region 12-SarGen, at EOD Gensan.

Ayon sa pulisya, tatlong indibidwal ang naaktuhang umano’y gumagamit ng ilegal na droga sa loob ng target na bahay at inaresto kasama ang pakay sa isinagawang search warrant. Ipinaalam sa mga naaresto ang kanilang mga karapatang naaayon sa Konstitusyon.

Isinumite na sa laboratoryo ang mga nakuhang ebidensya para sa pagsusuri, habang inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang mga kaso laban sa mga suspek.

Samantala, muling iginiit ni PBGen. Alan B. Manibog, Acting Regional Director ng Police Regional Office 12, ang matatag na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga at iba pang banta sa seguridad.

“Hindi natin hahayaan na maging pugad ng kriminalidad ang anumang komunidad.
Ang bawat matagumpay na operasyon ay patunay ng ating matatag na paninindigan laban sa ilegal na droga at iligal na armas.