Arestado ang isang hinihinalang high-value drug personality matapos ang ikinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) katuwang ang iba pang law enforcement agencies sa Barangay Landasan (Sarmiento), Bayan ng Parang, Maguindanao del Norte nitong Hunyo 28, 2026.
Nasamsam sa operasyon ang tinatayang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P13.6 milyon.
Kinilala lamang sa alyas na “Dats” ang naarestong suspek, 42 taong gulang at residente ng Barangay Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur. Ayon sa mga awtoridad, sangkot umano ito sa pamamahagi ng ilegal na droga sa mga lalawigan ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, at North Cotabato.
Narekober mula sa suspek ang dalawang Chinese tea bags na may markang “888” na naglalaman ng humigit-kumulang 2,000 gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money, isang Android cellular phone, isang Suzuki Ertiga, isang kulay-kayumangging wallet, iba’t ibang identification cards, mga travel document, at isang susi.
Naging matagumpay ang operasyon sa tulong ng Regional Mobile Force Battalion 14-A, 1401st Mobile Force Company; PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit 15; Maguindanao del Norte Provincial Intelligence Team ng Regional Intelligence Unit 15; Regional Intelligence Division ng PRO BAR; NICA-BARMM; at Parang Municipal Police Station.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA-BARMM Jail Facility ang suspek habang hinihintay ang inquest proceedings. Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng ilegal na pagbebenta ng mapanganib na droga.

















