Nasabat ang tinatayang P14 milyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes matapos maharang ang isang wing van truck sa checkpoint sa Parang, Maguindanao del Norte kahapon, Setyembre 1.

Ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region o PRO BAR, bandang alas-11:40 ng umaga nang ma-intercept sa Duran Checkpoint sa Sitio Duran, Barangay Sarmiento, Parang ang isang asul na HINO wing van truck na may plakang CBN 7100.

Dalawang sakay ng sasakyan ang inaresto ng mga awtoridad na kinilalang sina alyas Jam, 39 anyos, driver, at si alyas Abs, 32 anyos, helper.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na mga tauhan ng iba’t ibang police, marine at intelligence units sa koordinasyon ng Bureau of Customs at iba pang tanggapan, bilang bahagi ng anti-criminality checkpoint.

Sa isinagawang inventory, nakumpiska mula sa sasakyan ang 250 master cases ng WALTON cigarettes, na tinatayang nagkakahalaga ng P14 milyon.

Isinagawa ang inventory at dokumentasyon sa mismong lugar sa presensya ng dalawang naarestong suspek, isang media representative at mga opisyal ng barangay bilang mga saksi.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang sasakyan at mga nakumpiskang sigarilyo para sa kaukulang dokumentasyon, beripikasyon at turnover sa Parang Municipal Police Station.

Inihahanda naman ang kasong paglabag sa Republic Act No. 12022 at iba pang naaangkop na batas laban sa mga suspek.