Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang 22 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P149,600 at isang hindi lisensyadong baril sa isang operasyon sa Barangay Sagasa, Esperanza, Sultan Kudarat.
Arestado sa operasyon ang isang indibidwal na kinilalang alyas “Tweng,” matapos ipatupad ang search warrant dakong alas-7:30 ng umaga nitong Agosto 20.
Isinagawa ang operasyon ng Esperanza Municipal Police Station, 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, Sultan Kudarat Provincial Drug Enforcement Unit at iba pang unit ng pulisya, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency.
Nakuha mula sa suspek ang pitong sachet ng hinihinalang shabu, isang .38 caliber revolver na walang serial number at may lamang tatlong bala.
Nasamsam din ang ilang gamit na umano’y may kaugnayan sa ilegal na droga, kabilang ang mga sachet, aluminum foil, lighter, gunting at improvised glass tube.
Nasa kustodiya na ng Esperanza MPS ang suspek habang isinailalim sa laboratory examination ang nakumpiskang hinihinalang shabu.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

















