Arestado ang apat na lalaki matapos masabat ng mga awtoridad ang tinatayang P15.29 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa Barangay Matampay, Marantao, Lanao del Sur.
Isinagawa ang operasyon kahapon, Agosto 21 bilang bahagi ng Oplan Megashopper ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region o PRO BAR laban sa iligal na pagpasok at pagbiyahe ng mga produktong tabako.
Kinilala ang mga naaresto sa alyas na Ricky, 46; James, 20; Julian, 42; at Mujib, 21, na pawang mga residente ng Zamboanga City.
Nakumpiska sa operasyon ang 383 master cases ng BOSQU cigarettes at 173 master cases ng Greehill Menthol cigarettes, na kapwa may tig-50 reams bawat master case.
Nasabat din ang dalawang sasakyan na umano’y ginamit sa pagbiyahe ng mga sigarilyo.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang Marantao Municipal Police Station ng impormasyon tungkol sa umano’y pagbiyahe ng mga walang kaukulang dokumentong produktong tabako mula Picong patungong Maguing, Lanao del Sur.
Dinala ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya sa CIDG Lanao del Sur Provincial Field Unit para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.
Maaaring maharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa ilang batas, kabilang ang Customs Modernization and Tariff Act at Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Pinuri naman ni PRO BAR Regional Director PBGen Christopher M. Abecia ang mga operatiba at binigyang-diin ang patuloy na pagtutulungan at pangangalap ng impormasyon laban sa smuggling sa Bangsamoro.

















