Nasabat ng mga pulis ang 300 master case ng hinihinalang puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng P17.55 milyon at naaresto ang driver ng truck sa hot pursuit operation sa Barangay Nituan, Parang, Maguindanao del Norte, kahapon Oktubre 19.
Katumbas ito ng 15,000 ream ng FORT-brand cigarettes na natagpuan sa wing van truck matapos umanong hindi huminto ang driver sa unang checkpoint at habulin ng mga awtoridad.
Ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region o PRO BAR, nabigo ang driver na magpakita ng mga kinakailangang legal na dokumento para sa kargamento kaya siya inaresto.
Dinala ang suspek at mga nasabat na sigarilyo sa kinauukulang tanggapan ng pulisya para sa booking at imbestigasyon, bago ang nakatakdang turnover sa Bureau of Customs.
Inihahanda ang mga posibleng kaso laban sa driver, depende sa magiging resulta ng imbestigasyon.

















