Nasabat ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang ₱2.9 milyong halaga ng iligal na sigarilyo sa isinagawang anti-smuggling operation sa Cotabato City, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na kalakalan at economic sabotage.

Isinagawa ang operasyon bandang gabi sa Riverside, Timako, Barangay Kalanganan 2, kung saan natuklasan ng mga pulis ang isang abandonadong pulang Isuzu truck na may lamang kahon-kahong sigarilyo na pinaniniwalaang ipinuslit sa bansa.

Aabot sa pitumpung (70) master cases ng sigarilyo na may tatak na “BOSQU” ang narekober mula sa nasabing sasakyan, na may kabuuang halagang ₱2,992,500.00.

Wala umanong naabutang suspek sa lugar nang isagawa ang operasyon. Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga nakumpiskang produkto at nakatakdang i-turn over sa Bureau of Customs matapos ang tamang imbentaryo at dokumentasyon.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable at ang posibleng mga kasong isasampa.

Pinuri ni Jose Melencio C. Nartatez Jr., hepe ng PNP, ang mga operatiba sa kanilang mabilis na aksyon. Binigyang-diin niya ang patuloy na determinasyon ng kapulisan sa paglaban sa smuggling at iba pang ilegal na gawaing pang-ekonomiya.

“Hindi tayo titigil sa ganitong operasyon. Sa bawat impormasyong natatanggap ng PNP, agad tayong kumikilos upang protektahan ang ating ekonomiya at mamamayan,” ani Nartatez.

Ipinapakita ng insidenteng ito ang tuloy-tuloy na kampanya ng PNP laban sa mga smuggling network, alinsunod sa kanilang pinalakas na programa at sa mas malawak na layunin ng pamahalaan.

Muling iginiit ng PNP ang kanilang pangako sa pagsusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas,” na nakatuon sa serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman ng mamamayan.