Nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad ang hinihinalang shabu na may standard drug value na mahigit P3.6 milyon sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Masolun, Taraka, Lanao del Sur, dakong alas-12:45 ng tanghali ngayong araw Oktubre 15, 2026.

Arestado sa operasyon si alyas “Jam”, 33-anyos, residente ng Barangay Dilausan, Maguing, Lanao del Sur.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region o PRO-BAR, sampung plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 533.7 gramo ang nakumpiska sa suspek.

Tinatayang nasa P700,000 ang lokal na halaga ng mga nakumpiskang droga, habang umaabot naman sa P3,629,160 ang standard drug value nito.

Narekober din sa suspek ang isang Android cellphone, identification card at isang tunay na P1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.

Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa Lanao del Sur ang operasyon, katuwang ang iba pang yunit ng pulisya at mga ahensyang sangkot sa pagpapatupad ng batas.

Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa tanggapan ng lead operating unit para sa kaukulang dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.