Nasabat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang tinatayang P3 milyong halaga ng mga pinaniniwalaang smuggled cigarettes sa isinagawang maritime patrol malapit sa Tongkil Island, Sulu.

Ayon sa ulat, namataan ng mga sakay ng BRP Tubbataha ang isang motor banca na pinatatakbo ng tatlong indibidwal mula sa Zamboanga Sibugay noong umaga ng June 17.

Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre sa bangka ang 25 master cases ng umano’y undocumented cigarettes na pinaniniwalaang patungo sana sa Zamboanga Sibugay. Napag-alaman din na wala itong kaukulang Safety, Security, and Environmental Numbering o SSEN, na paglabag sa umiiral na maritime regulations.

Sa tulong ng Coast Guard Station Sangali, matagumpay na nahila ang motor banca patungong Sacol Island sa Zamboanga City kasama ang mga sakay at kargamento nito.

Pagsapit ng June 18, pormal na isinuko ng Philippine Coast Guard ang bangka, mga kargamento, at mga tripulante sa Bureau of Customs para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasagawa ng legal na proseso.

Ayon sa Philippine Coast Guard, bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling at pagpapatupad ng mga batas pandagat upang mapanatili ang seguridad sa karagatan ng bansa.