Naglaan ng tatlumpu’t isang milyong piso ang tanggapan ni Bangsamoro Chief Minister Al-Haj Murad Ebrahim sa ilalim ng Ayudang Medikal mula sa Bangsamoro Government o AMBaG Program sa Cotabato Regional and Medical Center o CRMC.
Mismong si BARMM Cabsec, Spokesperson at tumatayong tagapangasiwa ng AMBaG Program na si Mohd Asnin Pendatun ang nagabot ng tseke kay CRMC Chief Dr. Ismael Dimaren.
Layunin nito ayon kay Pendatun ang pagtitiyak ng tuloy-tuloy na pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga kapus-palad na pasyente ng siyudad ng Cotabato maging ang mga kalapit na probinsya at bayan sa BARMM.
Kabilang aniya ito sa pagsusumikap ng BARMM Gov’t na mabigyan ng maayos na serbisyong pangkalusugan ang mga mamamayan.
Ang CRMC ay isa sa 45 na katuwang na pagamutan ng AMBaG program sa ibat ibang lugar sa loob at labas ng rehiyon.
Sa tala naman, natulungan ng programa ang kabuuang 174,000 na katao kung saan 11,544 naman ang galing sa CRMC.
Ang AMBaG program ay alinsunod sa direktiba ng punong ministro na dapat lahat ng mga nangangailangan ay mabigyan ng tulong lalo na sa medikal at kalusugan.