Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P33,000 halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo at inaresto ang isang 41-anyos na negosyante sa isinagawang operasyon sa Public Market ng Barangay Poblacion, Matalam, Cotabato.

Ayon sa Matalam Municipal Police Station, nangyari ang insidente bandang 1:05 ng hapon kahapon Agosto 4, 2026 habang nagsasagawa ng store visitation ang kanilang mga tauhan.

Sa pag-inspeksyon, nakita ng mga pulis na hayagang nakadisplay at ibinebenta sa tindahan ang mga hinihinalang smuggled na sigarilyo. Kinumpirma rin ng kinatawan ng Bureau of Customs na smuggled ang mga nasabing produkto.

Napag-alaman din na wala umanong kinakailangang graphic health warnings ang mga pakete ng sigarilyo, na paglabag sa umiiral na mga regulasyon.

Kabilang sa mga nakumpiska ang 19 na ream ng Modern cigarettes, 100 pakete ng Modern cigarettes, at 110 pakete ng Fort White cigarettes, na may kabuuang tinatayang halaga na P33,384.

Pansamantalang nasa kustodiya ng Matalam Municipal Police Station ang mga nakumpiskang sigarilyo at nakatakdang i-turn over sa Bureau of Customs sa General Santos City para sa kaukulang disposisyon.

Samantala, tiniyak ng Matalam MPS na magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa pagbebenta at pagkalat ng mga ilegal at smuggled na produkto sa kanilang nasasakupan.