Nasabat ng Pantar Municipal Police Station ang mahigit P389,000 halaga ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes sa isang checkpoint operation sa Pantar, Lanao del Norte.
Bandang alas-2:30 ng madaling araw noong Hunyo 25, nagsasagawa ng routine checkpoint operation ang mga tauhan ng Pantar Municipal Police Station sa Barangay Campong, Pantar, Lanao del Norte nang mapara ang isang Mitsubishi L300 na patungong Iligan City. Arestado ang driver na si alyas “Waiwai”, 18-anyos.
Sa beripikasyon ng mga dokumento, nadiskubre ng mga awtoridad ang discrepancy sa plate number ng sasakyan at sa Official Receipt at Certificate of Registration.
Sa masusing pagsusuri sa likurang bahagi ng sasakyan, tumambad ang ilang kahon ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes.
Nabigo ang driver na magpakita ng legal na dokumento para sa naturang kargamento dahilan upang siya ay agad arestuhin.
Nakumpiska sa operasyon ang 487 reams ng Modern Red cigarettes na may tinatayang market value na P389,600.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Pantar Municipal Police Station ang suspek, habang nakatakdang i-turnover sa Bureau of Customs sa Iligan City ang mga nakumpiskang kontrabando.
Patuloy namang pinaigting ng kapulisan ang checkpoint operations laban sa pagpasok at transportasyon ng smuggled goods sa rehiyon.

















